(My son wrote this maikling kwentong pambata for his Filipino Honors class. The excercise began with the teacher asking them to come up with a list of things or traits that their parents had difficulty in teaching them when they were young. He chose not being able to talk in a loud voice.
Well, he still speaks softly but now he can speak out loud with his pen (or keyboard) as well. This piece was chosen as class entry to the year-level competion. I'm one proud mama!)
TILAOK SA BUKANG LIWAYWAY
Isang gabi, sa isang mapayapang baryo, may isang tandang na nag-aabang ng tamang oras para sa pagsikat ng araw. Siya si Onyok Tilaok, ang nanggigising sa lahat. Nang panahon na upang bumangon at gumising ang lahat, tumilaok si Onyok nang malakas, at ito’y gumising sa lahat ng mga tao’t kapwa hayop, kasabay ng pagsilip ng sikat ng araw… “TAK-TILAOOOOOK!!!” Ngunit pagkatapos niyang gawin ito, napansin niyang parang hindi ito kasing lakas ng mga nagawa niya noong nakaraang mga araw.
Tumilaok siya muli, at muli, at muli. “Hindi naman masama ang sumubok,” inisip niya.
“Oo nga, napapaos na ang aking boses,” sabi ni Onyok. “Siguro panahon na upang magpahinga na ako. Dapat ko na ipasa ang tungkuling ito sa aking anak na si Mulong.”
Si Mulong Pabulong ay isang binatang manok na tahimik at mahiyain. Natutulog siya nang magising siya sa na tilaok ng kanyang ama. Agad siyang nag-inat at tumuka ng kanyang agahang palay.
Nagkita ang mag-amang Onyok at Mulong sa harap ng kanilang kubo. Mukhang may mahalagang sasabihin ang tatay ni Mulong, kaya’t nakinig siya nang maigi.
“Anak! Paano na iyan, namamaos na ang boses ko. Oras nang ikaw na ang humawak ng tungkuling ito,” wika ni Onyok. “Matagal na itong ginagawa ng ating pamilya, kahit ang lolo mo, ginawa rin ito.”
“A-ako po?” Tanong ni Mulong. “Hindi ko pa ho kayang gawin iyan, mahiyain po ako…mahina po ang boses ko… at saka baka po…”
Sumagot ang kanyang ama. “Kaya mo ‘yan, Mulong, huwag ka nang mahiya, ako’y naniniwala sa iyo! Ang kailangan mo lang maalala’y ang pagtilaok nang malakas sa takdang oras, at magigising na ang araw.”
Noong gabing iyon, napasang-ayon na talaga si Mulong sa tulong ng kanyang ina. Maaga siyang nagising. Madaling araw pa lang, naghanda na si Mulong sa kanilang bakuran kung saan siya hihintayin ang takdang oras upang gisingin ang araw. Nang sumapit ang tamang oras, tinangka ni Mulong tumilaok. “Tak-tilaok, ”Isang mahinang tilaok ang lumabas sa kanyang bibig. Dalawang beses pa. “Tak-tilaok… Taktilaok…” Mahina pa rin.
“Naku, paano na ito? Hindi ako narinig? Bakit ayaw sumikat ng araw?” Tanong niya sa sarili niya.
Nang biglang mula sa malayo, may narinig si Mulong na tunog ng pumapagaspas na pakpak. “May nagising naman yata ako!” wika ni Mulong, at natuwa nang kaunti. Unti-unting lumalakas ang tunog ng mga pakpak. Hindi alam ni Mulong kung saan nanggagaling iyon, basta’t palapit nang palapit ang kung ano mang iyon sa kanya.
“Ikaw!!! Ikaw nga! Sa wakas! Nagugutom na ako! Gusto ko na ng dugo!” sabi ng boses, ang nagmamay-ari ng tunog ng payagpag ng mga pakpak.
Tumalikod si Mulong at nagulat sa kanyang nakita: isang paniki, na parang may masamang balak at tingin sa kanya. “Aahhh!!! Paniki!!!” Nagulat at natakot si Mulong.
“Humanda ka! Akin kaaaaaa!” Pasugod na sigaw ng paniki.
Agad namang tumakbo si Mulong sa takot ng humahabol sa kanya. “Hu-Huwag po!!!” Sigaw ni Mulong.
“Walang makakatulong sa iyo, tulog pa ang lahat! Kahit ang araw ay tulog pa!” Ito’y sagot niya, kasabay pa ng tawang may malisya.
Kumikitid at palapit na ang dulo ng daan na tinatakbuhan ni Mulong. Bigla na lang, may naalala si Mulong doon sa sinabi ng paniki, “Kahit ang araw ay tulog pa!” Humarap si Mulong sa humahabol sa kanya, at sa halo ng kanyang katakutan at katapangan, siya’y naglakas loob na lakasan ang boses niya. “TAK-TILAOOOOOOOOOOOOOOOOOOOOKKKK!!!”
Sa lakas ng tilaok niya, biglang sumilip ang unang liwanag ng araw. Gising na ito! Humuni ang mga maya, bumuka ang mga gumamela, tumunog ang mga orasan, bumusina ang nagtitinda ng pandesal. Gising na ang lahat! Mabilis ang pagliwanag ng kalangitan, pati na rin ang buong kapaligiran. Nataranta naman ang paniki, nasilaw sa araw at matuling lumipad palayo hanggang mawala ito, at hindi na nagtangkang bumalik.
Pag-uwi ni Mulong, lumapit sa kanya ang kanyang mga magulang, at binati ang pagtatagumpay ng kanilang anak sa kanyang tungkulin.
Hindi lamang natutunan ni Mulong ang halaga ng lakas ng kanyang boses, kundi’t pati na rin ang pag-tupad ng isang napakalaking tungkuling ipinagkatiwala sa kanya: ang pagtilaok para sa bukang liwayway.
No comments:
Post a Comment